ALIPIN NG BISYO: PAGKALULONG SA MGA MALING GAMOT
Hindi na bago sa atin ang makarinig ng mga balita tungkol sa mga taong nalulong sa bisyo na naging dahilan sa pagkawasak ng kanilang mga buhay. Hindi ko lubos mawari ang dahilan kung bakit nila ginagawa ito kaya napapaisip ako minsan kung ano nga ba talaga ang katotohanan. Bakit sila nagpapalamon sa mga masasamang gawaing ito? Sa halip na ituwid at ayusin ang pabagsak na buhay ay mas lalo nilang sinisira. Hindi lang mga sarili nilang buhay ang kanilang sinisira kung hindi sinisira rin nila ang buhay ng mga taong nagpapaligid sa kanila. Sa anong punto ba dapat maabot ang mga taong ito upang mapagtanto nila ang maling ginagawa nila? Na hinahayaan na nilang mahulog sa kamay ng mga maling gamot na ito? Tignan natin ang ating bansa ngayon, ang dami-daming mga tao na may hilig sa bisyo sa punto na hinahayaan na lang ito ng mga taong nagpapaligid sa kanila dahil sa takot. Takot na saktan, takot sa mga posibilidad na gagawin ng mga ito sa kanila. Ang pagkahilig sa bisyo ay hindi lang nangyayari sa mga matatanda, kung hindi sa mga kabataan din. Akala ko ba ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan? Ngunit ito yung nangyayari sa mga kabataan ngayon. Nakakalungkot isipin na ang bisyo ang naisip nilang solusyon upang maubsan ang mga hirap na kanilang natatamasa. Batid natin na ang pagkahilig sa bisyo ay nangyayari na noon ngunit hindi pa rin ito nawawala marahil dahil ito ay napapasa na sa pamilya dahil hindi natuturuan ang mga bata na ito’y mali o dahil ito yung nakikita nila araw-araw sa kanilang mga magulang at iniisip na ng mga ito na ito ay sakto.
Magbabahagi ako ngayon ng mga kaganapan na nagpapatunay tungkol sa mga taong naging alipin na ng bisyo at mga epekto nito. Ayon sa ABS-CBN News, higit sa 100,000 Pilipino ang namamatay taon taon dahil sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay hindi lang sakit sa baga ang epekto nito, kung hindi sa puso, balat at buong katawan. Mas nakakalungkot alamin na hindi lang ang mga taong nag-yoyosi ang apektado ngunit ang mga taong nasa paligid din. Nasa mga 24 milyong Pilipino ang biktima ng hanging may usok ng sigarilyo. "Delikado rin talaga yung second hand smoke dahil nakakadulot din ng sakit. Meron na rin tayong tinatawag na third hand smoke. 'Yung amoy na naiiwan sa damit o mga kurtina," ani DOH-NCR regional director Dr. Corazon Flores. Sa pananagarilyo lang ito yung binabahagi ko, ano pa man kapag sa ibang bisyo? May mga kaso rin kung saan napapalooob ang pang-aabuso dahil sa bisyo. Isa sa mga epekto ng pagbibisyo ay ang pagkawala ng maayos na pag-iisip, maraming mga taong nabibiktima rito dahil sa mga asawa nilang umuuwi ng lasing o natalo sa laro. Hindi ko mapigilang maguluhan kung bakit nambubugbog ng mga aswa ang mga ito dahil sa kanilang sariling ginagawa, may mga kaso kasi kung saan sinisisi ng taong nagbibisyo sa mga asawa nila kapag ito ay nawalan ng isang bagay. Ito yung ilan sa mga nangyayari sa totoong buhay kung saan nagpapatunay na ang pagkahilig sa bisyo ay hindi maaaring pabayaan.
Sa bahaging ito, nais ko sanang magbigay ng mga iilang mungkahi na sana ay makakatulong sa isyung nabanggit. Una sa lahat, nais ko sanang humingi sa mga tao na maging bukas ang isip at hindi mawalan ng pag-asa sa mga taong nakakaranas nito dahil kahit gaano na kalala ang kanilang sitwasyon, may pagkakataon pa rin na ang mga taong ito na maging mabuti. Isa sa mga paraan kung paano maiwasan ang isyung ito ay ang pag-aaral ng mabuti. Malaki at malakas ang epekto ng pag-aaral ng maayos sa atin, kahit gaano man kaiharap ito, nakakabuti ang ito sa ating buhay at sa dadaang kinabukasan natin. Sa pag-aaral, mauunawaan natin ang lahat patungkol sa bisyo at kung anong magagawa nito sa ating mga sarili. Matututunan natin kung paano pigilan ang ating sariling mga kamay na abutin ito at makahanap ng iba pang mga solusyon na maaaring makatulong sa atin sa mga oras ng paghihirap. Ano ba dapat ang karapat-dapat na ugali ang ating gamitin upang maiwasan ang ganitong pangyayari? Motibasyon. Para sakin, ang ugaling ito ang nakakatulong talaga kapag nais nating magbago or nais nating matapos ang isang bagay. Hindi natin magagawang baguhin o gumawa ng anumang bagay kung wala tayong motibasyon na gawin talaga ang mga iyon. Kaya dapat natin tandaan, “Ang magandang kinabukasan ay para sa mga taong nagtitiwala sa kanilang kakayahan.”
No comments:
Post a Comment